Mula sa sandamakmak na trapal sa lansangan, pati ba naman hanggang sa mga Facebook ad hindi ka tatantanan?
Sa panahon ngayon, ang social media ang pinakatalamak na ginagamit na plataporma tuwing eleksyon. Dito, marami na ring naglipanang insulto tuwing may mga netizen na nagtatalo sa comment section.
Pinakasikat sa mga insultong ito ang “bobotante,” pinagsamang “bobo” at “botante,” na kadalasan ginagamit para ipahiya ang mga bumoboto sa mga trapo, artista, o mga miyembro ng political dynasty. Isang kapintasan na binabato ng mga botanteng tila mas tama raw ang kanilang desisyon.
Ngunit, kailan pa naging kapintasan ang pagboto sa mga kandidatong kilala nila? Kailan pa naging kapintasan ang piliin kung sino ang nangakong magpapaganda ng buhay nila? Hindi kailanman kapintasan na gamitin nila ang kanilang karapatang bumoto.
Walang “bobotante.” Imbis na kapwa mamamayan ang usigin, dapat na tuligsain ang impluwensiya ng mga makinaryang ginagamit ng mga pulitiko na sumisira sa ahensya at awtonomiyang magpasiya ng taumbayan.
Noong nakaraang eleksyon, sa social media naganap ang digmaan — ang kasinungalingan ay naging mga baril na kargado ang balang aasinta sa mamamayang Pilipino.
Maraming lumabas na mga balita tungkol sa mga troll farm, isang sistematikong pag-atake sa mga kalabang pulitiko at kanilang mga tagasuporta sa pamamagitan ng internet. Kasama rito ang paggawa ng mga pekeng account, pagmamanipula ng mga larawan, at paggawa ng mga page para sa ikaaangat ng isang kandidato.
Ganito napanalunan ni Ferdinand Marcos Jr., anak ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr., ang posisyon bilang ika-17 pangulo ng Pilipinas.
Si Marcos Jr. ang naging primaryang benepisyaryo ng disimpormasyon at misimpormasyon noong 2022. Natukoy ng Tsek.ph na karamihan ng mga kumakalat na fake news ay katuwang ang pamilya Marcos na maibabalik ang kanilang “ginintuang panahon” ng diktadura. Ang pangunahing katunggali ni Marcos Jr., na kanyang kalaban din noon sa pagka-bise presidente, ay si Leni Robredo. Kung si Marcos ang bayani, si Robredo naman ang nasa kabilang panig ng kwento, ang nagmistulang kalaban sa mga pekeng kwentong nagsilbing realidad para sa iba.
Bago pa man ang eleksyon, partikular noong kasagsagan ng pandemya, malawakan na ang paggamit ng makinarya ng disimpormasyon at misimpormasyon.
Napag-alaman sa isang imbestigasyon ng Reuters na naging paraan ito ng Estados Unidos para Sinovac, ang bakunang gawa sa Tsina.
Laganap rin ang mga bidyo na sinasabing lunas sa simtomas ng COVID 19 , ngunit wala naman talagang medikal na basehan sa totoong epekto ng mga ito. Suki na rito si Doc Willie Ong na laging nadadawit para magmukhang mas mapagkakatiwalaan ang mga produkto.
Ngayong 2025, muling napatunayan ang puwersa ng disimpormasyon at misimpormasyon para makasungkit ng puwesto sa Kamara at Senado.
Bagaman naglunsad ang COMELEC ng Task Force Katotohanan, Katapatan, at Katarungan upang lutasin ang pagkalat ng maling impormasyon at pekeng balita tuwing eleksyon, hindi pa rin ito naging sapat. Sa datos ng Vote Report PH, tinatayang 0.22% ang naiulat na black propaganda o disimpormasyon online, habang 10.20% naman ang nasa on-ground. Mistulang maliit sa bilang, ngunit hindi nito nasasalamin ang tunay na lawak at epekto ng makinaryang ito.
Higit pa rito, patuloy ang pangangamba dahil nakasalalay ang nakabinbin na impeachment ni Sara Duterte sa mga bagong halal sa Kongreso.
Kinakailangang makakuha ng boto mula sa 16 na senador upang tuluyang mapatalsik si Duterte sa kanyang katungkulan bilang bise-presidente at hindi na maaaring tumakbo sa anumang posisyon sa gobyerno.
Kabilang sa mga bagong halal na senador ay ang mga kandidato mula sa “Duter10” o mga kandidatong inendorso ng bise-presidente. Nariyan sina Bong Go at Bato Dela Rosa, na kasapi rin ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan o PDP-Labanni dating pangulong Duterte. Nakapasok din si Rodante Marcoleta, na bagaman tumakbo bilang independent candidate ay hayagang sinuportahan ng mga Duterte.
Iprinoklama rin sina Camille Villar at Imee Marcos, dati’y inendorso ni Marcos Jr. at hindi parte ng Duter10, ngunit kadikit-balikat ang bise presidente sa kanilang mga komersyal.
Wala man tayong sagot sa magiging kalalabasan ng impeachment ngayon, malinaw naman ang mensaheng iniwan ng nagdaang eleksyon: matagumpay ang kampanyang ginamitan ng makinaryang pabor lamang sa iilang makapangyarihan. Ang inakala nating hakbang sa kaso ng bise presidente dahil sa pagwaldas ng confidential funds, na mula naman talaga sa bulsa ng bawat mamamayang Pilipino, ay maaaring maging ilusyon lamang. Nawawalan ng wastong pagdedesiysyon ang mga mga botante lalo na’t pinagtitibay ng mga kandidatong ito ang kani-kanilang alyansa.
Noong inaresto si dating pangulong Duterte mula sa warrant of arrest ng International Criminal Court, naging malaking isyu ang paglipana ng mga pekeng account. Nakikihalubilo sila sa mga mamamahayag, sumasagot agad sa thread, at nakikipagtalo pa ukol sa umano’y “pamanang” iniwan ng administrasyong Duterte.
Ayon sa Reuters, tinatayang 45% ng mga post mula sa kampo nina Marcos at Duterte ay galing sa mga pekeng account na nagtatalo kung anong naratibo ang mas angat sa dalawa.
Sa mga nagdaang halalan, napasailalim tayo sa isang giyera. Kasinungalingan ang kalibre ng baril at sunod-sunod ang pagputok mula sa iilang pindot sa social media. Sa halip na magkaisa, lalo tayong pinagwawatak-watak ng mga pulitikong gumagamit ng kasinungalingan para matupad ang kanilang adhikain.
Subalit, dapat natin itong labanan. Hindi natatapos ang laban kontra disimpormasyon at misimpormasyon sa panahon ng eleksyon.
Nagsisimula ito sa pagiging mapanuri sa mga nakikita sa social media. Nararapat na ugaliing suriin ang mga sanggunian o datos na pinagbabasehan ng isang post. Siguraduhin na kumuha ng balita sa mapagkakatiwalaang mga news site at sanayin ang sarili sa fact-checking. At higit sa lahat, mas kinakailangang mas mapalalim ang edukasyon sa media literacy na maaaring magsimula sa panonood ng mga bidyo na nagpapalawig nito tulad ng Media and Information Literacy Project ng Unibersidad ng Pilipinas.
Dito natin mapipigilan ang tuluyang pagkalabit sa gatilyo ng baril ng kasinungalingan, kung tayo’y magiging mapagmatyag, mapanuri, at kritikal sa midyang ating kinokonsumo.
Kung tayo’y mamumulat na ang tunay na kaaway ay ang mga nakaluklok sa kapangyarihan na pansariling interes ang inuuna, hindi tayo maasinta ng mga balang mapanlinlang.

Leave a comment